
Ni Cyrill Quilo
MULA kuryente at komunikasyon, patubig naman ang pagkakaabalahan ngayon ng kilalang kaalyado ng Pangulo – bagay na mahigpit na tinututulan ng mga magsasaka at residente mula sa bayan ng Tiaong sa lalawigan ng Quezon.
Sa isang kilos protestang inilunsad sa harap mismo ng munisipyo, nanindigan ang hindi bababa sa 300 magsasaka at mga residente ng nasabing bayan laban sa umano’y tangkang agawin sa kanila ang isa sa pinakamalinis na sapa sa rehiyon – ang Lumbo Spring na nasa hangganan ng mga lalawigan ng Laguna at Quezon.
Bitbit ang mga karatula, kinondena ng mga lumahok sa kilos-protesta ang negosyanteng si Dennis Uy na umano’y pilit na inaagaw sa kanila ang nasabing anyong tubig kung saan sila kumukuha ng malinis na suplay ng tubig para sa mga kabahayan at maging sa kanilang sakahan.
Sa tala ng lokal na pamahalaan, nobyembre ng nakaraang taon nang igawad ng San Pablo City Water District (SPCWD) at Dolores Water District (DWD) ang Notice of Award para sa P103-milyong Lumbo Spring Bulk Water Supply Project sa Udenna Water Integrated, Inc. na pag-aari ni Uy sa ilalim ng public-private partnership. Sa ilalim ng kasunduan, gagawa ang Udenna Consortium ni Uyng isang pasilidad na hihigop sa tinatayang 12 milyong litro ng tubig kada araw mula sa Lumbo Spring, para ibenta sa mga pabrika at iba pang establismyento sa lungsod ng San Pablo, sa lalawigan ng Laguna. “Buhay at kabuhayan namin ang Lumbo Spring.
Amin yan,” giit ni Joe Barcelona na tumatayong Pangulo ng Tiaong Irrigators kasama ang mga magsasakang lubos na nangangamba umano para sa kanilang kabuhayan at pamilya.
“We are calling on the people behind this project. If this will continue many will suffer here and when people go hungry then it will push us to do something illegal because this will hugely affect us,” dagdag pa niya.
Aniya, mauuhaw at matutuyo ang mga sakahang sakop ng 16 na barangay na umaasa lamang sa daloy ng tubig mula sa Lumbo Spring patungo sa iba’t ibang ilog at sapang karugtong nito. Paliwanag pa ni Barcelona, ang tubig mula sa Lumbo Spring ay umaagos patungo sa mga ilog at sapa patungo sa Bulakin River na karugtong naman aniya ng Lagnas River at Malaking Ilog River na kapwa nagsusuplay ng patubig sa mga sakahan at taniman.
Maging ang lokal na pamahalaan, kumbinsidong hindi dapat matuloy ang proyekto ni Uy, kasabay ng bantang paglahok ni Mayor Ramon Preza sa mga kilos protesta laban sa aniya’y proyektong lubhang makakaapekto sa mga residente at magsasaka mula sa kanilang bayan.
Panawagan din ng alkalde sa kongreso, ipasa ang House Bill 8430 na nagdedeklara sa Lumbo Spring na isang protected watershed preservation. Gayundin ang posisyon ng National Irrigation Administration (NIA). Ayon kay Sofia Carmelita Resurrecion, NIA Supervising Institutional Development Officer, suportado nila ang panawagan at panukalang protektahan ang Lumbo Spring.