INULAN ng reklamo ang pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaugnay ng panibagong swab test na kailanganan pagdaanan bago pa man makasampa sa eroplanong patungo sa kani-kanilang destinasyon.
Sa isang panayam, nagpahayag ng pagkadismaya ang pasaherong si Carmina Villamayor kasama ang iba pang pasaherong hindi pinapasok sa paliparan, hindi lamang abala ang dulot ng bagong patakarang aniya’y dagdag gastos na kalakip ng bayad para sa RT-PCR test at re-booking ng naantalang flight patungong Zamboanga City. Giit ni Villamayor, ang kanyang buong mag-anak ay pawang bakunado (fully vaccinated) bukod pa sa booster shots nito lamang Enero.
“Yung ticket namin, nakailang rebook na dahil dun sa swab test. Bayad kami nang bayad, abala talaga. Nakabooster na kami, fully vaccinated na din kami. Kumpleto kami lahat,” hinanakit ng ginang.
Sa Manila North Harbor naman, hindi rin pinayagang bumiyahe ang ilang pasaherong bigong makapagprisinta ng S-Pass na reglamento sa ilang mga lalawigang nasa alert level 3 tulad ng Iloilo City.
Ayon sa mga stranded na pasahero, lubos silang nagtataka sa pagtanggi ng pamunuan na sila’y makasakay sa barko patungo sa kani-kanilang lalawigan, lalo pa’t sila naman umano ay pawang mga bakunado na.
May pitong requirements para makapag-apply ng S-Pass – valid government ID, confirmed travel itinerary na mula sa airline o shipping company, Bureau of Quarantine Certificate o One Health Pass, vaccine card o vaccination certificate, barangay certificate, address kung saan mag-ku-quarantine o booking sa hotel kung saan piniling mag-quarantine sa destinasyon at RT-PCR (swab) test result sa nakalipas na 72 oras.
