PINAYUHAN ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez si 3rd District Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves na bumalik na ng bansa upang harapin ang patung-patong na kaso at mga akusasyon na nag-uugnay sa pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa kalatas, sinabi ni Romualdez na kailangan nang bumalik ng bansa ni Teves sa lalong madaling panahon lalo pa at natapos na ang hiningi nitong bakasyon sa Kamara.
Sinabi ni Romualdez na ang pananatili ni Teves sa Amerika ay natapos na kahapon, Marso 9. Hindi rin umano pinayagan ng naturang bansa na manatili pa roon ang kongresista nang lagpas na sa petsa ng pananatili.
Si Teves ay nagtungo sa Amerika mula Pebrero 28 hanggang Marso 9 para sa personal na dahilan at pagpapagamot ng kanyang sakit.
“Clearly, the TA of Rep. Teves has expired effective today. His travel outside the country beyond the period mentioned is no longer authorized by the House of Representatives,” sabi ni Romualdez.
“Makabubuti rin na umuwi si Cong. Arnie para harapin ang pagkakadawit ng pangalan ng kanilang pamilya sa pagkamatay ni Gov. Roel Degamo. We all want to hear his side of the story. Maraming buhay ang nawala maliban kay Gov. Degamo. Umamin na ang mga nahuling salarin sa partisipasyon nila sa krimen. Hindi titigil ang pamahalaan para kilalanin at papanagutin ang mga nasa likod ng brutal na krimeng ito,” sabi pa ni Romualdez.
Bukod sa pagkakadawit ng pangalan ni Teves sa pagkamatay ni Degamo, idinawit din ang kongresista sa pagkamatay ng iba pang katao noong 2019.
Si Degamo ay nasawi noong Sabado matapos pasukin ng mga armadong kalalakihan ang compound nito at pagbabarilin habang kausap ang constituents at mga taong humihingi ng ayuda.
Walo katao pa ang nasawi habang marami ang sugatan.
Nitong Huwebes ay sinalakay ng pulisya ang bahay at resort ni Teves dahil sa umano’y pag-iingat nito ng mga armas.
