IBINUNYAG ng saksi na nagtrabaho kay Apollo Quiboloy sa Glory Mountain property sa Davao na nagpupunta sa lugar sina dating pangulong Rodrigo Duterte at anak nitong si Vice President Sara Duterte at umaalis na bitbit ang sako-sakong armas.
Ang saksi, dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ay kinilala lamang sa alias na Rene, ay humarap sa Senate hearing sa alegaslyon na large-scale human trafficking at sexual abuses laban kay Quiboloy, malapit na kaibigan ng dating pangulo.
Si Rene ay nagtrabaho bilang landscraper sa Glory Mountain.
Sinabi ni Rene na dumarating si Quiboloy sa lugar, lulan ng helicopter dala ang malalaking bag na may lamang baril.
Ang mga baril, ayon pa sa saksi, ay ibinababa sa isang tent katabi ng mansiyon ni Quiboloy.
“Minsan po pumupunta doon din si former President Rodrigo Duterte at former Davao Mayor Sara Duterte. At ‘pag umaalis na po sila doon sa Glory Mountain, dala na po nila yung mga bag na siya pong bag na nilalagyan po ng mga baril,” sabi nito.
Mismong siya ay nakikita ang mga Duterte sa Glory Mountain.
Nakita umano nito na ibinababa ang mga armas. Sinabi ni Rene na sinasaktan siya ni Quiboloy sa kanyang pagkakamali at kung hindi nagugustuhan ni Quiboloy ang trabaho nito.
“‘Pag hindi po siya nagandahan sa aming landscape sa mansyon niya, sinasampal niya kami at hinahampas. Mga apat na beses ito sa isang linggo,” sabi nito.
Umalis umano sa KOJC si Rene noong 2021 nang hindi matiis ang pagmamaltrato ni Quiboloy at pagpapahirap nito.
