MULING nagbalik-lansangan ang hanay ng mga healthcare workers para igiit ang agarang pagsibak kay Health Secretary Francisco Duque sa gitna ng anila’y pagbalewala ng Department of Health (DOH) sa kanilang mga pinipiit na benepisyo.
Ayon sa Alliance of Health Workers (AHW), hindi pa rin anila naibibigay sa kanila ang pangakong benepisyong kalakip ng kanilang kinakaharap na peligro at sakripisyo sa gitna ng laban ng pamahalaan laban sa pandemya.
Hindi rin anila natutugunan ang kanilang kalusugan sa kabila pa ng kanilang pagtupad trabahong iniatang. Ayon pa sa grupo, dapat din panagutin ang Kalihim matapos ang tatlong buwang ultimatum ng DOH kaugnay ng paglalabas ng pondong sadyang inilaan ng gobyerno para sa kanila.
Sa isang pahayag, sinabi ni Cristy Donguines na tumatayong Presidente ng Jose Reyes Memorial Medical Center Employees Union-AHW, nakakuha lamang ng 30 porsyento ng pondo mula sa DOH ang mga health workers sa DOH-retained hospitals para sa kanilang meals, accommodation at transportasyon para sa buwan ng Setyembre hanggang Disyembre 2020. “The remaining 70% were withheld by the DOH. Likewise, many of my fellow health workers in the DOH hospitals like RITM, and some private and LGU hospitals did not receive their COVID-19 benefits” saad pa ni Donguines.
Kasabay nito, hinamon din ng mga nag-aalburotong HCWs ang Kalihim na ilabas ang talaan ng mga health workers na ayon sa DOH ay nabigyan na ng benepisyo.
