PINAGHAHANDAAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang itinutulak ng Department of Transportation (DOTr) na pagpapatupad ng diskuwento sa pasahe ng mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, mayroon nang pondong nakalaan para sa Service Contracting Program (SCP) at hinihintay na lamang ng Ahensya na maibigay ito ng DOTr.
“We are just waiting for the downloading of the money to the LTFRB. Pagkatapos niyan, tuloy-tuloy na ‘yung Service Contracting Program,” paliwanag ni Guadiz.
Inihayag din ni Guadiz na ang pagbibigay ng diskuwento sa pasahe ay ipatutupad ng Ahensya sa tulong at gabay ng DOTr.
“We also have to take the cue from the Office of the Secretary, how they intend to do it. I think ang gagawin lang nila is discount lang ang ibibigay sa mga tao para ‘yung pera na P1.2 billion mapagkasya sa maraming mga transport services on a nationwide scale,” pagdidiin ni Guadiz.
Sa ilalim ng panukala, mula sa P12.00 ay gagawin na muling P9.00 ang minimum na pasahe sa mga tradisyunal na jeep o katulad ng singil noong wala pang pandemya sa bansa.
Umaasa si Guadiz na madaragdagan pa ang pondong nakalaan para sa programa upang mas malawak at marami ang makinabang dito.
“I believe the budget may last only for about 6 months, half a year. So as early as now, I am requesting the DOTr to come up with additional funding para mapagkasya po namin hanggang sa katapusan ng taon ‘yung pera,” pahayag ni Guadiz.
