Si dating Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon.
WALANG katiyakang makakaupo bilang kongresista ang kontrobersyal na si dating Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon, bunsod ng inihaing resolusyong humihikayat sa Comelec para ipatupad ang reglamento hinggil sa substitution ng mga nominado ng mga partylist groups na lumahok sa katatapos pa lang na halalan.
Sa House Resolution 2591 na inihain ni Rep. Ducielle Marie Cardema ng Duterte Youth partylist group, binigyang diin ang aniya’y obligasyon ng poll body na ipatupad ang Comelec Resolution 10695 na inaprubahan ng en banc commission noong Pebrero ng nakaraang taon.
“Whereas, according to the esteemed former Comelec Commissioner Rowena Guanzon, the voluntary withdrawal and substitution of a participating party-list a day before the 2019 election day, which their rules allowed until election day, was a mockery/circumvention of the law and deprived the electoral the opportunity to be informed and cited,” saad sa isang bahagi ng nasabing resolusyon.
Paniwala ni Cardema, binago ng Comelec ang kanilang rules sa substitution, kung saan walang umanong pinahihintulutang palitan ng mga kandidato o nominado pagkalipas ng Nobyembre 15, 2021 para sa 2022 national at local elections.
Kumbinsido rin si Cardema na hindi makakaupo bilang bahagi ng 19th Congress si Guanzon – kung maipapatupad ng wasto ang nasabing Comelec resolution. Sa impormasyong ibinahagi ng kongresista, wala ang pangalan ni Guanzon sa limang nominado batay sa dokumentong isinumite sa Comelec noong Oktubre ng nakalipas na taon.
“You are prohibited from substituting now. Not by us, but by your own promulgated rules,” ani Cardema kay Guanzon na dahilan kung bakit hindi nagawang umupo bilang kongresista ng kanyang asawang si dating National Youth Commission chairman Ronald Cardema.
