Sinusuri ng mga tauhan ng pulisya ang pinangyarihan ng krimen kung saan tinambangan ang kawani ng BOC sa Sta. Ana, Maynila.
TINIYAK ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kooperasyon sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa diumano’y pagkakasangkot ng ilang pulis sa serye ng pamamaslang sa mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC).
Sa pahayag, sinabi ni NCRPO director Maj. Gen. Felipe Natividad na ang pagkamatay ni Sgt. Celedonio Caunceran na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) sa kamay ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at hindi magiging sagabal para a kanilang sariling imbestigasyong naglalayong alamin ang katotohanan sa likod ng mga alegasyon.
Araw ng Biyernes ng arestuhin ng mga operatiba ng CIIS si Caunceran matapos mamataan nagmamasid sa paligid ng kanilang tanggapan.
Giit ng CIIS, sadyang mahigpit ang kanilang ipinatutupad na pagbabantay sa mga tanggapan ng BOC bilang tugon sa direktiba matapos ilagay sa red alert status ang kanilang mga pasilidad bunsod ng serye ng pamamaslang sa mga Customs officials at personnel mula Disyembre hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
“Though complaints or cases filed against subject policeman pertaining to the same allegations are yet to be confirmed, I have high confidence in our investigation process and rest assured that due and in-depth examination of the circumstances and pieces of evidence gathered shall be conducted to ultimately establish the truth behind this case,” ani Natividad.
Sa salaysay ng mga operatiba ng CIIS, dakong 9:40 ng gabi nitong Biyernes, nang maganap ang engkuwentro sa loob ng tanggapan ng CIIS sa South Harbor, sa lungsod ng Maynila. Anila, pakay lamang nilang tanungin si Caunceran kung bakit siya nagmamasid sa paligid ng kanilang tanggapan. Ilang sandali pa ay nagpaalam diumano ang biktimang pupunta sa palikuran.
Subalit paglabas sa banyo, biglang nang-agaw ng baril ang biktima.
Sa naturang tagpo, minabuti anilang unahan si Caunceran na nagtamo ng dalawang tama ng bala – isa sa noo at isa sa dibdib.
Dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang duguang biktima. Gayunpaman, may agam-agam ang ilang kasamahan ni Cauncera sa QCPD.
Anila, dapat ikonsidera sa pagsisiyasat na nakaposas na ang kanilang kabaro, batay mismo sa salaysay ng mga CIIS operatives.
Samantala, kinumpirma ng NCRPO chief na nasa ilalim ng restrictive custody ng District Holding and Accounting Section si Caunceran bunsod ng mga alegasyon ng pagkakasangkot sa serye ng pamamaslang sa hanay ng mga BOC officials at personnel.
“As the Regional Director of NCRPO, I commit not to tolerate nor condone any form of involvement of my men in all forms of lawless activities,” pagtatapos ng heneral.
