SA kabila ng pag-iisyu ng Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) sa Oplan Baklas ng Commission on Elections (Comelec), sinabi ng ahensiya na magpapatuloy pa rin ang pagbaklas sa mga naglalakihang poll posters higit sa mga pampublikong lugar.
Sa panayam, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na magpapatuloy ang kanilang kampanya higit sa kanilang nasasakupan at hindi na sa mga pribadong ari-arian.
“Do’n sa mga areas na ine-enjoin, siyempre hindi tayo magtutuloy doon. Pero hindi naman in-enjoin lahat eh. So ‘yung pagbabaklas doon na malinaw na talagang pasok sa authority ng Comelec, ‘yung pagbabaklas sa mga public spaces, kailangan magtuloy ‘yan,” sabi ni Jimenez.
Noong Martes ay naglabas ng TRO ang Korte Suprema kasunod ng petisyon ng mga supporter ni presidential aspirant at Vice President Leni Robredo.
Hiniling ng mga ito na ihinto ng Comelec ang pagbaklas sa mga campaign poster sa mga pribadong ari-arian
dahil paglabag na umano ito ng kanilang malayang pamamahayag.
“The petitioners sought the issuance of a TRO, while the resolution of the petition is pending, prohibiting the Respondents from implementing Section 21 (o), Section 24, and Section 26 of the COMELEC Resolution No. 10730 with respect to the poll body’s order to dismantle, remove, destroy, deface, and/or confiscate all election materials that are privately owned and privately funded solely by volunteers and private citizens and posted and/or installed within their private properties,” ayon sa Korte Suprema.
“Siyempre, gagalangin natin ‘yung TRO na ibinigay ng Korte Suprema pero haharapin din natin ‘yung reklamo laban sa Comelec,” ayon kay Jimenez.
Sinimulan ng Comelec ang pagbabaklas sa mga posters noong Pebrero 16.
Sinabi ng mga petitioner na labag sa batas ang ginawa ng poll body dahil mga pribadong lugar ang tinanggalan ng posters.
Iginiit ng mga ito na nasa ilalim lamang ng Comelec Resolution 10730 ang mga partidong politikal at hindi ang mga pribadong indibidwal.
