ISUSULONG ng Philippine Coast Guard (PCG) sa gobyerno ang pagkakaroon ng karagdagan at mas malalaking barko ng PCG na mag-eescort sa resupply mission para sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela handa sila na magbigay ng karagdagang barko. Gayunman, kailangan pa umano nito ng clearance mula sa National Task Force (NTF) WPS.
“Isa yan sa mga option ng gobyerno. Hihingi pa ng clearance sa NTF WPS kung kailangan pa ng karagdagang bilang mga barko para sa resupply mission,” sabi nito. Mayroon umanong 97-meter vessels BRP Melchora Aquino at BRP Teresa Magbanua, gayundin ang 83-meter vessel ang BRP Gabriela Silang.
Ang pahayag ng PCG ay kasunod ng naganap na insidente sa Ayungin shoal kung saan nagsagawa ng delikadong maniobra ang coast guard ng China sa 44-meter vessels na BRP Malabrigo at BRP Cabra na escort ng dalawang resupply boat sa Ayungin Shoal.
Dahil sa ginawa ng China, hindi umano nakapagdala ng pagkain, tubig at gasolina at iba p ang kailangan ng tropa ng militar sa BRP Sierra Madre.
