IBINUNYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes ng gabi na isang presidential candidate sa halalan ay gumagamit ng cocaine at walang nagawang anuman sa bayan.
Mahinang lider din umano ang sinasabi niyang aspirante na ginagamit lamang ang pangalan ng kanyang ama.
“May isa pa ngang presidential candidate na nagco-cocaine. May kandidato tayo na nagko-cocaine ‘yan. ‘Yung anak ng mayaman. Kaya nga nagtataka ako. Anong nagawa ng tao na yan?” pagbubunyag pa ng Pangulo.
“I am just asking what contribution has he made para sa Pilipinas? ‘Yan lang ang gusto kong tanungin,” dagdag pa ni Duterte.
Ayon pa sa Pangulo, alam umano ng mga mayayamang grupo sa Maynila at Davao ang bisyo ng kakandidatong presidente.
Malapit sa masa ang nasabing kandidato at kayang-kayang manalo sa halalan.
“Nagtataka ako sa Pilipino, di ako naiinggit, pulitika naman, may manalo, may matalo. Ganu’n rin ako noon, kung walang swerte, wala. Pero itong fascination nila sa itong kandidato na to, baka hindi talaga nila alam,” dagdaga p ni Duterte.
Kasabay nito ang babala ng Pangulo na isang mahinang lider ang kandidto.
“Inyo yan. Ang akin lang pagdating ng panahon, basta sinabi ko sa inyo. And he is a very weak leader ang character niyan,” sabi pa ni Duterte na walang binabanggit na pangalan.
“Except for the name. Ang tatay. Pero siya? Anong ginawa niya? He might win hands down, okay. If that’s what the Filipino wants, go ahead. Basta alam ninyo.”
Kasabay nito, inihayag ng Pangulo ang kanyang suporta kay presidential aspirant Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.
Tumatakbo naman sa pagkabise presidente ang anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte ka-tandem si Partido Federal ng Pilipinas standard bearer dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
