NALALAGAY na naman sa sentro ng kontrobersiya si Health Secretary Francisco Duque matapos patudsadahan ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin sa aniya’y kapalpakang naging dahilan ng kapos na supply ng herenggilyang dapat sana’y gagamitin sa national vaccination nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Locsin, mayroong nagpabaya sa kanyang responsibilidad, dahilan para hindi makuha ang alok na 50 milyong heringgilya sa Pilipinas.
Bagama’t walang partikular na pangalang binanggit, paniwala ng publiko, si Duque ang pinatatamaan ng DFA Secretary, batay sa mga salitang binitawan nito sa kanyang Tweet sa social media kamakailan.
Nito lamang nakaraang taon, hinagip din ng Kalihim si Duque matapos mabigo ang ang Kalihim ng Department of Health na pirmahan ang dokumento para sa bakunang gawa ng Pfizer.
“We dropped the ball again; this time offering 50 million syringes. Discussed the need in Washington DC and got a response prepared to go into details with PH agencies but they refused to discuss the ball let alone catch it. First Pfizer, then Moderna. Ok, I see the pattern,” ani Locsin sa kanyang social media post. Ilang oras matapos ang patutsada ni Locsin, naglabas ng pahayag ang DOH kaugnay anila ng planong pagbili ng mga heringgilya sa halagang 4.7 sentimo lang kada piraso – bagay na pinagtawanan lamang ni Locsin.
“Far as I’m concerned it’s finished. But if you want a fight, Ph DOH’s offer of 4.7 cents a syringe is hallucinatory; no one on the planet makes special PFIZER LOW DEAD VOLUME SYRINGES that cheap; 7 cents is the absolute lowest. UNICEF pays double. Make all purchases public,” tugon naman ni Locsin sa DOH. Napilitan ang pamahalaang ibaba sa 9 milyon – mula sa orihinal na 15 milyon – ang target na maturukan sa isinagawang 3-day national vaccination nitong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 3. Katwiran ng DOH, kapos ang heringgilya.
Gayunpaman, maging ang target na 9 milyon, hindi naabot ng pamahalaan, hudyat para magpasya ang Palasyo para sa isa pang 3-day national vaccination.
