ANUMANG pagtatapat ng mga sangkot na negosyante sa likod ng maanomalyang transaksyon ng Department of Budget and Management sa Pharmally ay posibleng ikapahamak nila.
Ayon kay Senador Leila De Lima, naniniwala siyang sadyang pinili na lamang nina Mojit Dargani at Linconn Ong na pagtiisan ang kundisyon sa loob ng Pasay City Jail kesa malagay sa nakaambang panganib na maaaring isagawa ng utak sa likod ng katiwaliang isiniwalat ng Commission on Audit (COA) nito lamang nakaraang Hunyo.
Kumbinsido rin si De Lima na hindi nakuha ng Pharmally ang kabuuang halagang katumbas ng ibinayad ni dating undersecretary Christopher Lloyd Lao, ng Procurement Service ng DBM, para sa mga aniya’y overpriced at substandard medical supplies na kinailangan sa kasagsagan ng pandemya, kasabay ng pasaring sa mga “bigating” taong gobyernong aniya’y mas malaki pa ang tinanggap kesa sa ginamit na kumpanya.
Ani De Lima, sadyang isinabay lamang marahil ang pagbabayad sa Pharmally sa hangaring magmukhang legal ang paglalabas ng pera ng gobyerno.
Giit pa ng senador, wala na rin umanong lumulutang na Pharmally officials sa takot na tuluyan na silang “patahimikin” ng isang kilalang opisyal ng gobyernong ‘di umano’y siyang nakinabang sa kontrobersyal na kontrata.
Paniwala rin niya, ang kanyang tinutukoy na bigating opisyal ang mismong nasa likod ng pagkuha ng mga testigong noo’y nasa pangangalaga ni Atty. Ferdinand Topacio.
