NAGLABAS ng bagong libro si FPJ Panday Bayanihan Partylist 1st nominee Brian Poe Llamanzares na “A Sustainable Future” kung saan binabalangkas ang sistema at posibleng solusyon sa pagkakaroon ng mas malinis at masaganang kapaligiran, higit para sa mga susunod na henerasyon.
Inilabas ang aklat sa gitna ng lumalalang kondisyon at pagbabago sa klima at pagkasira ng kapaligiran. Ayon pa kay Poe kailangan ng komprehensibong paraan ng pagsasanib ng teknolohiya at komunidad upang matiyak ang positibong solusyon sa problema.
Iginiit ni Poe na ang makabagong teknolohiya ay makapagbabawas sa pagkasira ng kapaligiran katuwang ang disiplina ng komunidad na mangangalaga sa mundo, sa kabuuan.
Binigyang-diin din ni Poe ang kahalagahan ng edukasyon, sa paniniwalang sa pamamagitan ng pagsasama nito sa aralin ay maaring linangin ang isang henerasyong may kakayahang harapin ang mga hamon sa pagkawasak ng kapaligiran.
Nakapaloob din sa libro ang katarungang panlipunan na kakampi sa pagkakaroon ng pantay-pantay na estado sa lipunan gayundin ang pantay na oportunidad sa lahat.
Higit sa pagpuna, ang aklat na “A Sustainable Future” ay naglalayong magbigay ng praktikal na solusyon. Ito rin ay nagbibigay ng komprehensibong bisyon sa kolaborasyon, patas na solusyon ng pagbabago na hihimok sa komunidad, kalakalan at pamahalaan na magtulungan para sa isang mas malusog na planeta.
Ang kanyang gawain ay nagsisilbing panawagan sa pagkilos, na nagpapaalala sa atin na ang pagpapanatili ay dapat nasa puso ng ating kolektibong pananaw sa hinaharap.
Nagtapos si Poe sa Ateneo de Manila University ng Bachelor of Arts sa Political Science.
Pagkatapos ay nakamtan niya ang isang postgraduate degree na Doctor of Public Administration (DPA) mula sa University of Perpetual Help.
Bukod dito, natapos niya ang mga kurso sa Stanford University sa Energy Innovation and Emerging Technologies, Wharton sa “Global Strategic Leadership,” Massachusetts Institute of Technology sa “Evaluating Social Programs,” Harvard Kennedy School of Government sa “Leadership in Crises,” at ang United Nations sa Geneva sa “Conference Diplomacy and Multilateral Negotiations.”
