UMAAPELA ang ilang partido sa Commission on Elections (Comelec) na pahintulutan ang pakikipag-selfie ng mga tagasuporta kasama ang napupusuang kandidato sa mga campaign rally at caravan, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, na masusi pang pinag-aaralan ng poll body ang kahilingan ng ilang mga partidong kalahok sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Pagtitiyak pa ng opisyal, nakatutok ang mata ng Comelec at ng kanilang kagawaran sa isinasagawang mga aktibidades na kaugnay sa kampanya.
“Ang alam ko po may petition na ang ilang political parties sa Commission on Elections, so inaantay na lang po natin yung kanilang magiging decision,” ani Malaya.
“Kami po ay deputized lamang ng Comelec at kami po ay hindi gumagawa ng polisiya,” sabi pa nito.
Sa ilalim ng Section 14 ng Comelec Resolution 10372, kabilang sa mahigpit na ipinagbabawal sa limited electoral campaign ay ang pakikipag-usap ng mga kandidato sa mga botante, pagkuha ng larawan at iba pang aktibidad na malapitan.
Kalakip ng paglabag ang parusang pagkakakulong isa hanggang anim na taon, sakaling mapatunayan ng husgado ang paratang na paglabag sa alintuntuning inilatag kaugnay ng halalan.
Bukod sa kulong, posible rin idiskwalipika o suspendihin ang kandidato o botanteng lalabag, bukod pa sa multang hindi bababa sa P10,000 bawat isang paglabag.
