(Babala sensitibong balita. May mga detalye tungkol sa suicide)
IKINABAHALA ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel ang tumataas na bilang ng mga estudyanteng nagsu-suicide kasabay ng kahilingan sa gobyerno na magdeklara ng mental health emergency sa bansa.
Nauna nang inihayag ng Department of Education ang ulat ng Senate Committee on Basic Education na umaabot sa kabuuang 404 kabataang estudyante ang nagpapatiwakal sa academic year 2021-2022.
Nasa 2,147 namang estudyante ang nagtangkang mag-suicide sa katulad na panahon, ayon pa sa report.
“Crunching the data, there had been more than one student who fell victim to suicide per day while roughly one student attempted to commit suicide every four hours in the past academic year. These are numbers we have never seen before,” ayon pa kay Manuel.
“In light of this, we urge authorities to declare a mental health emergency to give way for immediate and substantial government action to ramp up budget and support for mental health professionals and services,” dagdag pa ni Manuel, miyembro ng militanteng Makabayan bloc.
“Higit sa pagtugon sa mental health services, di natin maitatanggi na epekto rin ito ng higit dalawang taong pagsara ng mga paaralan at ang distance o hybrid learning modality na dumoble sa load at gastusin ng mga estudyante.”
Ayon pa kay Manuel, kailangan din umano ang pagrebisa sa polisiya ng edukasyon, higit ang K-12 habang tinitiyak naman ang 100 porsiyentong face-to-face classes.
Idinagdag pa nito na magsasampa siya ng resolusyon na hihimok sa kasalukuyang administrasyon na magdeklara ng mental health emergency, imbestigasyon sa kasalukuyang krisis at mga alituntunin na tutugon sa krisis.
