
MULA Ninoy Aquino International Airport (NAIA) gagawing Ferdinand E. Marcos International Airport.
Ito ang nais ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. na ipangalan sa pangunahing gateway sa bansa sa ilalim ng isinumiteng House Bill No.610 na nagsasabing nararapat lang ito igawad sa taong gumawa ng makabuluhang proyekto.
Sinabi nito na ang proyekto ay ginawa sa ilalim ng yumaong president Ferdinand Marcos Sr., ama ng kasalukuhang Pangulo ng bansa.
Noong 1987, pinalitan ang Manila International Airport (MIA) at ginawa itong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pamamagitan ng Republic Act No. 6639 sa ilalim ng termino ni dating pangulong Cory Aquino.
Ipinangalan ito sa kanyang asawa at dating opposition senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. na pinatay sa airport sa kanyang pagbabalik noong August 21, 1983.
Si Aquino ang numero unong kritiko ng dating pangulong Marcos.
“It is more appropriate that it would bear the name of the person who has contributed and left a legacy that makes the Philippines a center of international and domestic air travel, who has instituted and built or conceptualized the project making it the pride of our country,” ayon sa pahayag ni Teves.
Hinamon din ng kongresista si Pangulong Marcos Jr. na gawin ang ikabubuti ng lahat at higitan pa ang ginawa ng kanyang ama sa bansa.
“I would like to see President BBM to be at par or even better than his father, which I think kayang-kaya niya naman (he can do it) and is very likely,” dagdag pa nito.
Si Marcos Sr., ayon pa kay Teves, ang pinakamahusay ng pangulo na namuno sa bansa.