
Courtesy: Rep. Brian Poe office
NITONG Linggo, Oktubre 5, tumulong ang FPJ Panday Bayanihan Party-List sa mga biktima ng malakas na lindol sa Cebu na naganap noong Setyembre 30.
Sa pangunguna ni Rep. Brian Poe, daan-daang pamilya mula sa Bogo City at mga bayan ng Medellin at Tabogon ang natulungan ng kanilang mga volunteers mula sa FPJ Youth. Bahagi ito ng kanilang relief operations upang agad na maihatid ang pangunahing pangangailangan ng mga apektadong residente.
Bawat pamilyang naabutan ng tulong ay nakatanggap ng tig-iisang water jug na may lamang 5 litrong inuming tubig at tig-iisang trapal na may habang tatlong metro upang magamit bilang pansamantalang silungan.
Ayon kay Rep. Poe, nabasa niya sa mga ulat ang hirap na dinaranas ng mga residente sa mga nasabing lugar—walang matulugan, walang malinis na tubig, at kapos sa pagkain.
“Hindi natin palalampasin ang ganitong uri ng pangangailangan. Sa gitna ng ganitong mga sitwasyon, kailangang maramdaman ng ating mga kababayan na hindi sila nag-iisa, kailangan natin silang tulungan,” ani Poe.
“Ito ang tunay na diwa ng bayanihan — hindi nag-iiwanan sa oras ng pangangailangan” dagdag pa ng mambabatas.
Batay sa pinakahuling datos, 72 na katao ang nasawi sa nasabing 6.9 magnitude na lindol, habang mahigit 200,000 pamilya na ang naapektuhan ng matinding pagyanig.
Sa ngayon, umabot na sa 7,027 ang bilang ng aftershocks na nangyari kasunod ng nangyaring pagyanig ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).