Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang sunud-sunod na pagpaslang at pananambang sa mga kawani ng Bureau of Customs.
UNTI-unti nang nagkakalinaw ang serye ng pamamaslang sa hanay ng mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC), kasunod ng pahayag ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa anila’y estilo ng mga salarin.
Ayon kay PNP director-general Dionardo Carlos, hindi maituturing na “isolated case” ang pinakahuling insidente ng pamamaslang kay Gil Manlapaz, 41, Customs IT specialist sa Sta. Ana, Maynila nito lamang nakaraang linggo. Ayon kay Carlos, maingat nilang isinasagawa ang case analysis sa hangaring matunton ang mga salarin at motibo sa likod ng sunod-sunod na pamamaslang ng mga BOC officials at personnel mula pa noong buwan ng Disyembre ng nakaraang taon.
Ayon pa kay Carlo, si Manlapaz ay bahagi ng talaan ng 14 na opisyal at mga kawaning una nang tinukoy at isinumite sa Palasyo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
“It is unlikely that this is an isolated case since the first two incidents happened last December then the next one occurred last month,” Carlos said.
“I instructed our investigators to get to the bottom of these incidents,” pagtitiyak ng heneral.
Aniya, malaking bentahe sa isinasagawang pagtunton ng mga salarin ang mga kuha ng CCTV kung saan nahagip ang pagbuntot ng mga armadong lalaki ilang minuto bago isinagawa ang pananambang kay Manlapaz.
“This will be helpful since we also have CCTV records of the previous incidents. We want to find out if there are similarities on how these killings were executed,” dagdag pa niya.
Sa kaugnay na balita, nanawagan ang Bureau of Customs Employees Association (BOCEA) sa tinatayang 2,500 na kasapi ng unyon na magsuot ng itim na armbands bilang protesta sa serye ng pamamslang sa kanilang hanay.
Black armbands
“We are asking all BOCEA members nationwide to wear black armbands starting today to condemn these senseless killings,” saad ng grupo sa isang pahayag sa media.
Sa tala ng PNP, anim na pananambang ang naganap mula Disyembre 23 hanggang Pebrero 11 – dalawa sa mga nasabing insidete ang namatay habang dalawa pang iba ang sugatan.
Bukod kay Manlapaz, patay sa magkakahiwalay na pananambang si BOC senior appraiser Eudes Nerpio, habang sugatan naman sina Atty. Melvin Tan at BOC assistant section chief Ryan Difuntorum.
Nito lamang Pebrero 9, hinagisan naman ng granada ang tahanan ni BOC Deputy Commissioner for Enforcement Group Teddy Raval.
Wala namang naitalang patay o sugatan sa nasabing insidente sa Quezon City. Bago pa man pinasabugan ng granada ang tahanan ni Raval, hinagisan din ng granada ang tanggapan ng nasabing opisyal.
Hindi pumutok ang pampasabog sa unang tangka.
Panawagan ng BOCEA kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, dagdagan ang P300,000 pabuya para sa ikadarakip ng mga salarin, bukod pa sa isang mekanismong magbibigay proteksyon sa kanilang hanay laban sa posibleng tangka sa kanilang buhay.
