PATAY ang isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) makaraang tambangan ng hindi pa nakilalang salarin sa Binondo, Maynila, Biyernes ng gabi.
Sa ulat ni Homicide Division chief Lieutenant Adonis Aguila kay Manila Police District (MPD) director Brigadier General Leo Francisco, kinilala ang biktimang si Eudes Nerpio, section chief ng isa sa mga tanggapan ng Manila International Container Port (MICP).
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 7:45 ng gabi noong Biyernes habang binabagtas ng biktimang lulan ng kanyang kulay abong Toyota Innova ang Plaza Cervantes patungong Kalye Quintin Paredes nang biglang sumulpot ang isang hindi pa nakikilalang armadong salarin at pagbabarilin ang opisyal ng kawanihan.
Salaysay ng mga saksi, isang lalaking gunman na nakasakay sa motorsiklo ang tumapat sa tabi ng sasakyang minamaneho ng biktima kasama ang isang Cris Erna at agad na nagpaputok ng baril.
Sapul sa sentido ang biktimang agad namang isinugod sa Medical Center Manila kung saan siya binawian ng buhay.
Ligtas at walang tinamong anumang sugat ang kasama ni Nerpio. Paniwala ng imbestigador, isang dalubhasang hitman ang kumana sa biktima.
Patuloy naman ang isinasagawang pagsisiyasat sa insidente sa hangaring matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa pamamaslang.
Kabilang sa anggulong tinututukan ng pulisya ay ang trabaho nito sa BOC.
