NAGPALABAS ng P500,000 pabuya ang Southern Police District sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa gunman na pumaslang sa isang turistang New Zealander sa Makati City.
Kinilala ni Brig. Gen. Kirby John Kraft, director ng Southern Police District, ang suspect na si John Mar Manalo.
Si Manalo ay kinilala ng apat na saksi na bumaril at pumatay kay Nicholas Peter Stacey, 34.
Hindi naman ipinaalam ni Kraft kung sino ang mga sibilyan na nag-alok ng pabuya.
Si Manalo ay may pending warrant of arrest sa Malolos City Bulacan court dahil sa kasong robbery.
Si Stacey at kanyang nobyang Pinay ay naglalakad sa Filmore St., nang holdapin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo noong Linggo.
Nang manlaban umano ang girlfriend ay tumulong ang biktima dahilan para siya ay barilin.
Mahigpit namang kinondena ng Department of Tourism ang pamamaslang.
“We condemn in the strongest possible terms the criminal act committed against the New Zealand tourist, which resulted in his untimely demise,” ayon sa inilabas na statement ng ahensiya.
