KUNG ang pagbabatayan ay ang mga political surveys sa hanay ng mga rehistradong botante, matamlay ang pagtanggap kay Vice President Leni Robredo na nalaglag sa ikaapat na pwesto batay sa pinakahuling survey na pinangasiwaan ng RP-Mission and Development Foundation Inc (RPMD).
Sa datos ng RPMD, naungusan si Robredo ng dalawa pang aspirante sa posisyon ng Pangulo – ang pumangalawang si Manila Mayor Isko Moreno at Senador Manny Pacquiao na nasa malayong ikatlong pwesto. Bagama’t nanguna si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na may 23.94%, statistically tied naman para sa unang pwesto si Moreno na halos dikit sa kanyang nasungkit na 21.75%, sa survey na may margin of error na 2+/-. Lumalabas din nakakuha ng 95% confidence level ang alkalde ng lungsod ng Maynila.
Pumangatlo naman si Senador Manny Pacquiao ng partidong Promdi na nakapagtala ng 15.94%, pang-apat si Robredo na nakapagtala lamang ng 15.10%, panglima si Senador Bong Go na mayroong 14.25%, at pang-anim si Senador Ping Lacson na may 6.35%. Ayon sa RPMD, statiscally tied sina Marcos (Partido Federal ng Pilipinas) at Moreno (Aksyon Demokratiko) sa survey na isinagawa mula Nobyembre 16-24, 2021, matapos ang itinakdang deadline ng Commission on Elections (Comelec) para sa substitution.
10,000 lumahok sa survey
Pinangasiwaan RPMD face-to-face na panayam sa pangangalap ng datos na survey na nilahukan ng 10,000 sa 61.8 milyong rehistradong botante.
Ang mga respondent na ininterbyu ay tinanong na: Sino ang iboboto mo sa pagka-Presidente kung ngayon gaganapin ang eleksyon? Nasa 2.56% lamang ng mga botante ang hindi nakapagpasya.
Base sa nasabing survey, dinomina – gaya ng inaasahan – ni Moreno ang National Capital Region (NCR) sa kanyang nakuhang 30.18%.
Nanguna si Marcos Jr. sa bahagi ng Luzon na may 28.85%, na sinundan ng alkalde ng Maynila na nakasungkit naman ng 22.70%.
Bahagya rin lumamang ang dating senador sa Mindanao na may 19.27%, na sinundan naman ng dating basurero mula sa Tondo, Maynila na may 17.56%. Nakakuha naman ng 20.52% si Pacquiao sa Visayas, habang 24.8% naman sa Mindanao – mga numerong naglagay sa kanya sa ikatlong pwesto para sa kabuuang 15.94%, na sinundan ni Robredo sa 4th spot.
Si Go ay nakakuha ng 14.25% na naglalagay sa kanya sa ikalimang pwesto, habang si Lacson naman ay nasa 6th place na may 6.35% habang.
Bahagi rin ng nasabing survey si Ernie Abella na nasa huling pwesto para sa kanyang nakuhang 0.10%.
Ang talaan ng mga pinagpilian ay batay sa final list ng mga na ipinalabas ng Commission on Elections (Comelec) matapos ang substitution noong Nobyembre 15, 2021 kung saan si Davao City Mayor Sara Duterte ay naghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-vice president sa ilalim ng Lakas-CMD party matapos siyang umatras sa pagka-mayor.
Labis na pasasalamat
Samantala, labis na nagpasalamat si Moreno sa latest presidential survey na RP-Mission and Development Foundation Inc.
“Salamat naman pero malayo pa. Tao muna ang pagtutuunan ko ng atensyon. Gusto ko munang makinig sa tao sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas. At the same time mairaos natin ‘yung tao, maitawid natin ‘yung tao. Kasi hirap ang mga tao ngayon,” ayon kay Moreno.
Si Moreno ay kumakandidato sa pinakamataas na posisyon sa bansa kasama si Dr. Willie Ong na kanyang vice presidential candidate.
Tumatakbo sila sa Bilis Kilos 10-Point Program of Governance na naglalayong maprotektahan ang buhay, maitaguyod ang kabuhayan at lumikha ng maraming trabaho. Sa loob lamang ng dalawang taon mula nang maging alkalde ng Manila si Moreno noong 2019, nilinis niya ang masalimuot na mga lugar ng Divisoria at Quiapo sa loob lamang ng ilang araw; nakapagpatayo siya ng 344-bed Manila Covid-19 Field Hospital sa Quirino Grandstand sa loob lang ng kumulang sa dalawang buwan. Nakapagpatayo rin siya ng apat na mga proyektong pabahay para sa mga mahihirap na pamilya at mga informal settler; nakapagpatayo ng makabagong gusali ng pampublikong paaralan; nakapagpamahagi ng mga tablets at computers sa public school teachers at mga estudyante, at patuloy pa rin ang pamamahagi niya ng ayuda sa mga mahihirap na pamilya sa gitna ng pandemya.
