DALAWANG rider ng motorsiklo na hinihinalang sangkot sa ambush ng beteranong broadcaster na si Percy Lapid and nahagip sa dashboard sa loob ng kanyang sasakyan. Ayon kay Marisol Abdurahman sa “24 Oras”, nakita sa video na sinusundan ng dalawa katao na lulan ng motorsiklo ang sasakyan ni Lapid sa Parañaque Lunes ng gabi.
Narinig na ang sunud-sunod na putok ng baril ilang minuto pa ang nakalipas.
“May sumusunod sa kaniyang motorsiklo at mayroong pumutok,” sabi ni Southern Police District (SPD) District Director Police Brigadier General Kirby Kraft.
“Then, nakita uli natin na tumatakas na ‘yung suspect galing dun sa pinangyarihan ng krimen,” dagdag pa nito.
Bahagi na ng ebidensiya ang video at gagamitin sa imbestigasyon.
Gayunman, inaalam pa ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng mga suspect gayundin ang motibo sa krimen.
Magsasagawa rin ng cross-match sa ibang shooting incidents na naganap matapos makakita ng basyo ng .45 kalibre sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.
“Magkakaroon tayo ng cross-matching sa mga ibang insidente…shooting incidents na kung saan calibre .45 pistol din ang ginamit,” sabi ni Kraft.
