CAMP Vicente Lim,Laguna — Arestado ang isang babaeng utak umano sa multimillion peso na scam sa mga kapulisan at kasundaluhan sa West Fairview, Quezon City, Linggo ng gabi.
Sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ni PNP-CIDG NCR Field Unit chief Colonel Randy Glenn Silvio nakilala ang babaeng suspek na si Maria Raissa Yap, 34, ng General Luna St. Pila, Laguna.
Base sa ulat na nakarating kay PNP-CIDG director Major General Albert Ignatius Ferro, naaresto ito sa bahay ng kanyang bayaw na si Dante Pradas, 46, sa Blk.1-B Lot 1 Brecia Subdivision, Barangay West Fairview sa Quezon City, bandang alas 3:45 ng Linggo.
Kinakaharap ni Yap ang 82counts na estafa na walang nirekomendang piyansa.
Mayroon din itong warrant of arrest sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property sa halagang P30,000 at walang piyansa.
Narekober din ang isang puting Nissan Terra SUV na walang plaka . Matatandaan na nauna nang naaresto ng mga awtoridad ng CIDG Rizal Field Office ang kanyang asawa na dating pulis na si Corporal Michael Yap noong Agosto 8
Silang dalawa ay kilalang founder ng Wahana Investment Company na nambiktima ng mga milyun-milyong piso sa mga pulis at military.
Itinatanggi naman ng dalawa ang akusasyon laban sa kanila.
