NASA 57 kawani na nakatalaga sa central office ng Department of Interior and Local Government ang tinamaan na rin ng Covid-19, bukod kay Secretary Eduardo Año.
“Marami po din ang nagka-COVID, gaya po ng ibang mga frontliners natin. Dito lang po sa central office, out of our 1,124 total employees, meron po kaming 57 na mga nagpositibo,” ani DILG Undersecretary Jonathan Malaya. Gayunpaman, marami aniya sa nasabing bilang ng mga pinakabagong nagpositibo ay hindi kinakitaan ng anumang sintomas, habang ang ilan ay pumasok sa ilalim ng kategoryang “mild cases”. Bukod sa DILG central office, mayroon din aniyang iba pang nagpositibo sa kanilang mga tanggapan sa iba’t ibang rehiyon.
“Meron din po kaming mga nag-positive sa mga regions, pero hindi naman po ganoon kadami,” Malaya added.
Una nang kinumpirma ni Sec. Año na siya’y positibo sa ikatlong pagkakataon.
Sa kabila ng kanyang kondisyon, tuloy pa rin aniya ang kanyang trabahong gagampanan habang naka home quarantine.
