Binabati ni Gov. Joet S. Garcia, (nakatalikod), si Kapitan Dante 'Action Man' Malimban, (kanan), matapos magkamit ng back-to-back na award at incentive ang kapitan sa husay ng kanyang pamamahala.
Ni Mar T. Supnad
LALONG naging inspirado na maglingkod sa kanilang barangay ang mga opisyales na ito dahil sa programa ng pamahalaang panlalawigan at national government na nagbibigay ng insentibo sa mga mahuhusay na barangay sa Bataan.
Isinagawa ang pagbibigay ng cash incentives at plaque of recognition sa pamumuno ni Gov. Joet Garcia noong ika-11 ng Nobyembre sa Bataan People’s Center sa tinatawag na 2025 Barangay Resilience Bingo Scorecard (BRBS), awarding kasabay ng Husay Barangay Awards bilang pagkilala sa mga barangay sa lalawigan na nangunguna sa pagtataguyod ng katatagan at mahusay na pamamahala.
“Mainit na pagbati sa mga nagwagi sa Adapt Phase ng BRBS: Balut 1, Pilar; East Calaguiman at Tabing Ilog, Samal na bukod sa tumanggap ng 1M cash prize ay atin din pong dinagdagan ng tig-P500,000 bawat barangay. Ang Barangay Omboy, Abucay ay nakatanggap ng ₱500,000 project grant, samantalang ang Barangay Kataasan, Dinalupihan at Saysain, Bagac ay tumanggap ng ₱300,000 project grant,” ani Gov. Garcia.
Bukod dito, anang gobernador, isang barangay mula sa bawat munisipalidad at nag-iisang lungsod sa lalawigan ang pinarangalan bilang Top Performing Barangay at tumanggap ng ₱100,000 cash prize bawat isa, kabilang dito ang Alasasin sa Mariveles. Proud naman na ibinalita ni Kapitang Dante ‘Action Man’ Malimban, matapos makamit ng Alasasin ang Most Resilient ( Matibay, Matatag) Barangay sa buong Mariveles. Buong ipinagmalaki ni Kapitan Maliban ang kanilang barangay dahil nahirang ito na ‘TOP 1’ sa buong Mariveles bilang Most Resilient Barangay sa ilalim ng Barangay Resilience Bingo Scorecard (BRBS). “Nasorpresa kami ngayong araw dahil hindi lang pala Seal of Good Local Governance ang nakuha natin, tayo rin ang nag TOP 1 sa Barangay Resilience Bingo Scorecard,” ani Kapitan Malimban.
Gayunman, sinabi ni Kapitan Malimban na ang “tagumpay na ‘to ay bunga ng disiplina, pagkakaisa, at malasakit ng bawat isang mamamayang ng Barangay Alasasin.” Matatandaan na nasungkit ng Alasasin ang prestihiyosong “Seal of Good Local Governance.”
Ang Barangay Resilience Bingo Scorecard (BRBS) ay bahagi ng patuloy nating pagsisikap na palakasin ang kakayahan ng bawat barangay sa larangan ng pamumuno, kalusugan, ekonomiya, imprastruktura, kalikasan, at kaligtasan. Sama-sama nating itaguyod ang handa at matatag na Bataan.
