
SA patuloy na pagbaba ng kaso ng mga nagkakasakit ng Covid-19, naglabas ng pinakabagong bulletin ang Department of Health DOH-CHD nitong Nobyembre 8 ng kanilang Covid-19 tracker kung saan ang lalawigan ng Laguna ay nagtala ng 1,429 na aktibong kaso na lamang. Gumaling na ang halos 92,670 pasyente sa probinsya habang 2,971 naman ang mga nasawi.
Dahil dito inalis na nang gobernador ng Laguna na si Ramil Hernandez ang curfew hours sa buong probinsya.
Agad na ipinatutupad ang nilagdaang Executive Order No.32 nitong Nobyembre 5.
Kasunod nito, sa lungsod ng Biñan ay hayagang ibinalita sa kanilang FB page ang boluntaryong pagsusuot ng face shield ng mga residente sa lahat ng establisimyento.
Alinsunod naman ito sa Executive Order No.33 ni Mayor Arman Dimaguila na simula Nobyembre 8 ay hindi na sapilitan o mandatory ang pagsusuot ng face shield.
Kaugnay nito, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na hintayin ang hudyat ng Inter-Agency Task Force IATF ang pag-aalis ng face shield. Pinaalalahanan niya ang publiko na patuloy na isuot ito dahil sa wala pang pinal na desisyon mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Hinihingi naman ng Department of Health (DOH) sa mga LGUs ang isang linggong palugit bago pormal na mailabas ang kanilang rekomendasyon ukol sa pagtatanggal ng paggamit ng face shield.