
NILINAW ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isyu hinggil sa 100,000 Transportation Network Vehicle Services (TNVS) slots na kinuwestyon ng ilang grupo sa sektor ng transportasyon.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, magsasagawa muna ng mga public hearing ang ahensya kasama ang iba’t ibang stakeholder bago ito magkaroon ng deliberasyon, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Department of Transportation (DOTr) upang mailabas ang kaukulang pamantayan.
Muling binigyang-diin ni Guadiz na bubuksan ang slot para sa mga motorsiklo at four-wheeled motor vehicles ng alinmang Transportation Network Company (TNC) na interesadong kumuha ng prangkisa.
Lahat aniya ay isasaalang-alang ng ahensya sa pagbibigay nito ng slot para sa prangkisa ng mga TNVS sa iba’t ibang rehiyon, partikular na sa Visayas at Mindanao, upang matiyak na makikinabang ang mga komyuter.
Bukod sa makakatulong sa pagbuo ng mas matatag na serbisyo sa pampublikong transportasyon, naniniwala rin ang LTFRB na ang pagbubukas ng slot ng prangkisa ay makakapagbigay ng mas maraming trabaho.