
NAGPAPLANONG kasuhan ng Department of Justice (DoJ) ang self-confessed drug dealer na si Kerwin Espinosa sa pagbawi sa testimonya laban kay Senador Leila de Lima sa illegal na droga.
Sinabi ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na tatalakayin nito ang usapin sa pagsasampa ng perjury laban kay Espinosa sa panel ng prosecutors na humahawak ng kaso.
“Whether or not his testimony is material to the prosecution’s cause making false statements under oath is a criminal offense,” ayon pa kay Guevarra.
Sinang-ayunan naman ni DOJ Undersecretary Adrian Sugay ang balakin ni Guevarra at sinabing ang inisyal na testimonya ay sinumpaan ni Espinosa.
“Tinitingnan ‘yan ngayon ng ating Office of Prosecutor General, kung puwede ngang makasuhan [ng perjury], kasi nga magkaiba ‘yung kaniyang naging statement,” sabi ni Sugay sa Laging Handa briefing.
Sa kanyang counter-affidavit na isinumite sa DOJ nitong Huwebes, sinabi ni Espinosa na ang mga nauna niyang pahayag laban kay De Lima ay walang katotohanan at resulta lamang ng pananakot, pressure, at banta sa kanyang buhay at pamilya mula sa pulis na nagturo umano sa kanya na isangkot ang senador sa illegal drug trade.