
MAS paiigtingin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kampanya tungo sa digitalisasyon ng mga transaksyon ng gobyerno.
Layunin ng nasabing kampanya na mapadali at gawing ligtas ang paghahatid ng iba’t ibang serbisyong pinansyal mula sa gobyerno. Kasama na rito ang pension, benepisyo mula sa social security, pautang at ayuda mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon sa pinakahuling datos ng BSP, ang mga ahensya ng gobyerno ay nangunguna sa layuning maging “cash-lite” ang bansa. Noong 2022, naitala ang 95.9 porsyento ng mga transaksyong pinansyal ng gobyerno bilang digital. Ibig sabihin, mahigit sa siyam sa bawat sampung transaksyon ng gobyerno ay digital na.
Nahahati ang mga bayarin ng gobyerno sa tatlong bahagi: una, ang mga bayarin ng gobyerno sa negosyo; pangalawa, ang mga bayarin ng gobyerno sa mga indibidwal tulad ng ayuda; at pangatlo, ang mga transaksyon sa pagitan ng mga sangay ng gobyerno.
Ayon sa datos, ganap na digital (naitala sa 100 porsyento) na ang mga transaksyon sa pagitan ng gobyerno at negosyo (government-to-business o G2B). Mababatid din ang patuloy na digitalisasyon sa mga transaksyon sa mga indibidwal (G2P) (96.4 porsyento,) at sa mga transaksyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno (government-to-government o G2G) (87.9 porsyento.)
Bilang bahagi ng kampanya, aktibong tinutulungan ng BSP ang mga komunidad, lalo na ang mga malalayo sa mga sentro ng kalakalan, sa pagbubukas ng basic deposit accounts.
Sa kabuuan, ang BSP ay naglalayong suportahan ang isang “cash-lite” na lipunan na kayang tumugon sa pangangailangan ng isang bansang “inclusive” kagaya ng Pilipinas.