
LIFE must go on.
Katulad po ng ipinangako ko noon sa inyo, hanggang sa kahuli-hulihang araw ko po bilang Alkalde ng Lungsod ng Maynila ay magtratrabaho po ako, ayon kay Manila Mayor at presidential bet Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.
Maliwanag na ang pinili ng higit na nakararami sa ating mga kababayan ay si dating senador, at ngayon ay President-elect Ferdinand Marcos, Jr. at ganun din si Vice President-elect Sara Duterte. Malugod ko pong binabati ang mga bagong halal na pinuno ng ating bansa.
Sa aking mga tagasuporta, mga bumoto sa akin, at sa ating mga kababayan, ito ang panawagan ko: kailangan nating magkaisa at tulungan ang bagong pinili ng ating mga kababayan. Kailangan nating magtagumpay pare-pareho. Hindi po magtatagumpay ang mga bagong halal ng bayan kung tayong mga mamamayan ay hindi makikiisa.
Ako ay nananawagan, huwag tayong makikibahagi sa anumang gulo, anumang alingasngas, at dapat nating bigyan ng pagkakataon ang bagong administrasyon para pamunuan ang bansa.
Kailangan tayong magkaisa bilang mamamayan para magtagumpay ang ating bayan. Katulad nga po ng paulit-ulit kong sinasabi, walang magmamalasakit sa ating bansa at magtutulungan kundi tayo ring mga kapwa Pilipino.
Pagpalain nawa ng Diyos ang ating bansa.