
Courtesy PAF-Tactical Operations Group 2
NANINIWALA ang mga ahensiyang nagtutulung-tulong na matutunton na ang nawawalang Cessna plane sa bahagi ng lalawigan ng Isabela.
Ilang sightings ngayon ang pinag-aaralan, kabilang na ang naiulat na isang puting bagay na hinihinalang debris ng eroplano ang namataan sa bahagi ng Divilacan, Isabela.
May mga residente rin ang nagsabi na isang puting bagay ang nakita malapit sa Barangay Sapinit sa Divilacan, ayon kay Isabela Provincial Information Office administrative officer Joshua Hapinat.
Kabilang na rin sa nakiisa sa search and rescue ang mga tauhan ng Philippine Army Northern Luzon Command at iba pang rescue unit na maabot ang sinasabing posibleng crash site sa pamamagitan ng paglalakad.
Ayon kay Hapinat, ang masamang panahon ang hadlang upang tuluy-tuloy ang operasyon ng paghahanap sa bahagi ng Sierra Madre. Isang impormasyon ang natanggap ng Isabela PIO na posibleng wreckage ng eroplano ang natatanaw sa gilid gilid ng bundok malapit sa Sapinit.
Sinabi naman ni PDRRMO head Constante Foronda na ang lugar kung saan nakita ang bagay ay pare-pareho sa mga pahiwatig nila sa posibleng lokasyon ng nawawalang eroplano kabilang ang pahayag ng isang magsasaka, telepono ng pasahero, at isang ulat ng tunog na umano ay nagmumula sa isang eroplano.