
TINIYAK nina OFW Partylist Representative Marissa “Del Mar” Magsino at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Arnell Ignacio na hindi matatapos lang sa tulong pinansiyal ang matatanggap ng pamilya ng pinaslang na Pinay worker na si Jullebee Ranara.
Sa isang press conference ngayong Biyernes, sinabi ni Ignacio at Magsino na ginagawa ng ahensiya ang lahat upang makamit ang hustisya para kay Ranara.

“Hindi naman tayo papayag na mabilang na lang sa estadistika ang kaso ni Ranara. Nagbigay na rin ang Kuwaiti government ng abogado para kay Ranara pero ang gusto namin ay magkaroon din ng Pilipino na abogadong hahawak sa kaso,” sabi ni Magsimo.
Sinabi ni Magsino na nagbigay na rin ng katiyakan ang gobyerno ng Kuwait na tutulong upang malutas ang kaso at tuluyang mabulok sa bilangguan ang 17-anyos na anak ng amo ni Ranara.
Si Ranara, 35, ay brutal na pinaslang ng menor de edad na binata.
Ililibing sa Linggo si Ranara kasabay ng paghingi ng privacy ang pamilya nito.
Ayon pa kay House of Representative Magsino, may kakulangan sa kasalukuyang bilateral labor agreement ng Pilipinas sa Kuwait at kailangang baguhin ang mga butas sa kasunduan.
“Medyo may kakulangan sa bilateral agreement. Ayusin natin kasi napakahina dahil walang takot ang employer na ma-violate ito. Dapat palakasin bago tayo magpatuloy na magpadala ng Pinoy workers sa ibang bansa,” saad ni Magsino.

Sa panayam, sinabi ni Ignacio na ayon sa pamilya ni Ranara, ang nais lamang nito ay mabigyan ng magandang buhay ang kanyang apat na anak at kanyang magulang na tumayo na ring magulang ng kanyang mga anak mula nang magtrabaho siya sa Kuwait.
Lagi rin umanong sinasabi ni Ranara na kapag nakapagpatayo na siya ng sarili nilang bahay ay hindi na niya lilisanin ang bansa.
“Yun lang ang tangi niyang pangarap para sa amin. Ngayon ay matutupad na yun pero wala na siya,” sabi ng ina ni Ranara.
Ang tinutukoy nito ay ang bahay na ibibigay ng pamilya Villar na nagtungo sa kanyang burol sa Las Pinas City.