

AYON kay Harlene Budol gagamitin pa rin daw niya ang Hipon sa kanyang pangalan kahit nanalo siyang first runner-up sa 2022 Binibining Pilipinas. Hindi niya raw ito ililigwak kahit beauty queen na siya ngayon.
“Hindi! Hindi ko aalisin yon, ‘no? I love hipon. Pero ngayon, nagsasawa na ako sa pagkaing hipon, eh,” pabirong bulalas ng tinaguriang Hipon girl.
“Dati, favorite ko na yon, eh. Wala, eh, ikaw ba naman, since 2018, lahat ng pinupuntahan ko ipinapakain sa akin, hipon. Lahat ng klase. Kaya siguro ngayon, isa-isa na lang, ganyan. Dati, patay-gutom ako sa ganyan, eh! Oo!” sabay tawa niya.
Seryosong dugtong ni Harlene, “Hindi ko iwawala sa buong buhay ko ang pagiging Hipon Girl. Pag nagpapakilala nga ako, eh, kahit maghahanap ako ng trabaho, sasabihin ko… Herlene Hipon Budol po ang sasabihin ko.
“Herlene Hipon Nicole Budol. O, di ba, ang dami? Shout out nga pala sa mga ka-Squammy, Hiponatics, mga ka-Budol diyan!
“Hindi ko siya wawalain, kasi, don ako, eh. Don ako nag-start. Ang taong marunong lumingon sa pinanggalingan, mas iniaangat ng Panginoong Maykapal.”
Nakausap ng PUSH si Harlene sa launching ng bago niyang endorsement na Rejuviant Premium Cocoberry Body Wash at Premium Cocoberry Instaglow Lotion nitong Miyerkoles, Sept. 7, 2022. Dito ay inamin ni Hipon Girl na may bad experience siya sa paggamit ng lotion noon.
“Yung bahay namin, parang nagpa-practice ka na papuntang impiyerno eh. Alam mo yon — napa-practice na kayo ng buong pamilya mo sa impiyerno dahil sa sobrang init. Kakaligo mo pa lang.
“Kahit nga naliligo kami, pinagpapawisan kami… Alam mo yung nagmamantika ang balat mo kapag ano? Puwede na akong pagprituhan dati, feeling ko.
“Nauso kasi sa school yung lotion-lotion sa kamay. Tapos nag-uuwi ako, tapos ginagamit ko. Eh, wala nga kaming kisame. Isang hakbang na lang talaga, impyerno na talaga.
“Kaya sabi ko, ‘Ay! Never na ako maglu-lotion!’ Eh, sinampal ako ng katotohanan ng Rejuviant,” kuwento niya.
Kasunod na ipinagtapat ni Harlene sa PUSH at ilang enterainment press na biihira din daw siyang maligo noon.
Kuwento niya, “Dati talaga, hindi ko favorite maligo. Lalo na ngayon, may bagyu-bagyo. Uy, pag naulan lang, ay perfect, walang ligo. Nag-iinit pa ako ng tubig, pag may emergency na lakad.
“Open book kasi ako sa lahat na ginagawa ako, kung ano ang ginagamit ko. Dati talaga, sure ako dun, hindi ako palaligo. So, mga singit-singit ko, dugyutin. Ngayon, medyo masipag na ako nang konti.”
Aware naman daw si Harlene na bilang beauty queen at product endorser at meron siyang responsibilidad lalo na when it comes about her appearance.
“Tuwang-tuwa ako dati na nakilala bilang Hipon. Kasi, parang effortless, eh. Yes! Okay lang kahit haggard ako. Hindi trying hard magpaganda, di ba? Ngayon kasi, parang kailangan mo nang… hindi naman sa trying hard. Kailangan mo lang mag-ayos nang tama.
“Kasi, dati talaga, T-shirt na malaki lang ako, gangster-gangster, ganyan. Pero ngayon kasi, parang dapat babaehan na. Hindi naman dahil nabago ako. May nadagdag lang sa akin. Kaya ko pa rin naman maging kagaya dati kung ano ako, eh. Kumbaga, nadagdagan yung kaalaman ko sa pag-aayos ko sa sarili ko,”pahayag ng beauty queen.
Lalaban si Hipon Girl sa Miss Planet International sa Nobyembre 19 sa Uganda. If ever na manalo siya alin ang mas pipiliin niya — maging beauty queen or artista?
“Kung ano na lang po yung nandiyan. Kung ano na lang po yung mga obligasyon na kaya ko namang gampanan bilang ako talaga.
“Kasi, kagaya po ngayon na kaya ko pong gampanan yung pagiging first runner-up ko po sa Binibini, at siyempre, nakakapagtrabaho din po ako sa ibang bagay.
“Ahhm, God’s will pa rin po ‘yan. Kung ano po yung ibinigay na lang po sa akin para… safe po yung sagot ko. May manager po kasi ako ngayon. Kung ano po ang sabihin ni Sir Wilbert [Tolentino], dun na lang din po ako susunod.
“Dahil siyempre, sa ngayon, under niya po ako talaga at siya po ang gumagabay sa akin. At ang kapal naman ng mukha ko kung hindi ko susundin yun. Andami nang ibinigay sa akin nung tao — bahay at lupa — ano pa ang hahanapin ko, di ba?” tuluy-tuloy niyang paliwanag.