
KINUMPIRMA ni dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) official Jeff Tumbado na natanggap na niya ang subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) ngunit hiniling na ipagpaliban ang kanyang pagharap sa imbestigasyon.
Ayon sa statement na inilabas ni Tumbado, handa siyang makiisa sa imbestigasyon ngunit nakiusap na iliban ito dahil naghahanda siya sa isa pang imbestigasyon na gagawin ng Kongreso sa Martes, Oktubre 17.
Ang kanyang abogado na si Pearl Campanilla ang dadalo sa NBI para sa kanya.
Nauna nang ibinunyag ni Tumbado ang mga katiwaliang nagaganap sa LTFRB na kinapapalooban ng milyun-milyong ‘padulas’ umano para sa mga ‘higher ups’ mula sa kanyang tanggapan hanggang sa Palasyo.
Bumaligtad na rin si Tumbado dalawang araw lamang matapos ang kanyang pagbubunyag at humingi na rin ng tawad sa mga taong nasagasaan nya.