
NAPASOK na ng nakamamatay na African Swine Fever (ASF) ang Cebu.
Kinumpirma ito ngayong Lunes ng Provincial Veterinary Office kung saan ang African Swine Fever virus samples ay natagpuan sa mga kinatay na baboy sa Carcar City.
Ang pagkakatuklas ay nagbunga sa regular na ASF surveillance na ipinatutupad ng provincial government, ayon kay Dr. Mary Rose Vincoy, provincial veterinarian.
Sinabi ni Vincoy na ang mga apektadong sample na nakolekta ay mula sa katayan ng baboy sa Carcar City.
Ang mga sample na ito ay sumailalim sa laboratory tests sa Bureau of Animal Industry (BAI) Animal Disease Diagnostic and Reference Laboratory (ADDRL) noong Marso 1 kung saan nakumpirma ang presensiya ng virus.
Inaalam pa sa imbestigasyon ang pinagmulan ng virus. Sa unang imbestigasyon ay sinabing sa mga kinatay ng baboy nagmula ang virus. Ang mga baboy na kinakitaan ng virus ay napahalo umano sa mga baboy mula sa Negros Island.
Dahil dito, agad ipinatupad ni Gov. Gwendolyn Garcia na nagbabawal sa importasyon sa mga baboy, karneng baboy at produkto mula sa karneng baboy mula sa Negros Island hanggang Abril 5.
Sinabi ni Vincoy na ilang sample na nakolekta sa naturan ding slaughterhouse ay nagnegatibo na sa virus.
“Right now, we are doing our best effort to contain the disease,” sabi nito.
Maghihigpit din ang lalawigan sa pagpapatupad ng regulasyon sa loob ng lalawigan upang makontrol ang pagkalat ng virus.
Ang Cebu ang pinakamalaking pinagkukunan ng pork products at byproducts sa bansa.