ISANG kumpanyang pag-aari ng pinakamayamang negosyante sa Pilipinas ang binigyan ng pahintulot para mag-ere ng programa sa mga binawing television at radio frequencies mula sa ABS-CBN.
Sa isang pahinang dokumentong pirmado ni National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordoba, binigyan ng temporary permit ang Advanced Media Broadcasting System (AMBS) Inc., para sa test broadcast sa Channel 2 sa analog TV at sa Channel 16 sa digital TV.
Sa isang pahayag, kinumpirma naman ng NTC ang iginawad na permit sa kumpanyang pag-aari ni dating senador Manny Villar.
Anila, pinayagan na rin ang AMBS na magsagawa ng installation ng mga broadcast facility, mag-operate at magmentina ng broadcasting network.
“After the technical evaluation of AMBS request for a simulcast channel, Channel 2 (the paired analog channel in Mega Manila of digital channel 16) was temporarily assigned to AMBS. This temporary assignment is for simulcast purposes only, and only until the analog shut-off scheduled in 2023.”
Nakasaad sa permit na iginawad ng NTC ang broadcast airing time mula alas 7:00 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi araw-araw mula sa itinakdang broadcast station sa Starmall, isang commercial mall na pag-aari rin ni Villar sa panulukan ng EDSA at Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.
Bukod sa broadcasting permit, pinayagan din ng NTC ang AMBS na mag-ere ng programa sa ibang istasyon sa labas ng mga frequencies na dating pagmamay-ari ng ABS-CBN.
Matatandaang ibinasura ng Kamara ang aplikasyon para sa panibagong prangkisa ng ABS-CBN Broadcasting Corporation dahil sa sigalot na kinasangkutan laban sa Pangulo.
