MAYROON na lamang hanggang Disyembre 27 ang Pilipinas Shell para bayaran ang P3.49 katumbas na buwis para sa mga iniangkat nitong alkylate chemicals na ginagamit sa paggawa ng gasolinang ibinebenta ng naturang kumpanya ng langis sa merkado.
Sa isang kalatas, lumalabas na bigo ang Pilipinas Shell Petroleum Corporation na bayaran ang angkop na buwis sa mga iniangkat nitong kemikal mula taong 2014 hanggang 2020. Inatasan na rin ng Department of Finance (DOF) ang Bureau of Customs (BOC) na kolektahin ang nasabing pagkakautang ng Pilipinas Shell sa pamahalaan, isang kautusang agad namang tinugon ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Sa isang liham, binalaan din ni Guerrero si Pilipinas Shell President Lorelie Osial kaugnay ng nakaambang suspensiyon sa government accreditation sakaling mabigong tumalima sa direktiba ang nabanggit na kumpanya ng langis.
Bilang tugon, nangako naman ang Pilipinas Shell na kanilang babayaran ang pagkakautang na katumbas ng buwis, kahit pa may nakabimbing asunto sa husgado kaugnay ng naturang usapin.
“This will allow us to continue to provide to our customers and to the general public who rely on our products and mindful of the thousands of Filipinos whose livelihood depends on our ability to maintain our operations. The case on whether Alkylate is subject to excise tax is yet to be decided by the courts,” saad ng isang pahayag ng Pilipinas Shell. Paglilinaw naman ni Guerrero, hindi banta ang kanilang direktiba, at lalong wala naman aniya sa kultura ng pamahalaan ang gipitin ang mga kapitalista.
Aniya, ginagawa lamang sila ang kanilang tungkuling naaayon sa umiiral na panuntunan at polisiya ng pamahalaan, partikular ng DOF na naglabas ng direktiba.
“In the event of default for the payment as agreed upon, the suspension of the accreditation of PSPC shall be forthwith imposed subject to existing rules and regulations, and without prejudice to any other available administrative and judicial remedies which the BoC may exercise,” sambit pa ng opisyal.
Nauna nang ibinasura ng Korte Suprema ang temporary restraining order na inilabas ng mga mahistrado kaugnay ng asuntong nakabinbin sa Court of Tax Appeals.
Ayon naman kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, hangad lamang nilang tiyaking walang pinapaborang kumpanya ang gobyerno sa usapin ng pagpapataw at pangongolekta ng karampatang buwis.
