NANAWAGAN ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga gumagamit ng mga automated teller machine cards na maging mas maingat at mapanuri sa perang iniluwal ng mga nagkalat na ATM machines.
Ayon sa BSP, dapat muna anilang rebisahin ang perang iniluluwa ng kanilang ginamit na ATM bago lumisan para makuhanan ng CCTV ang withdrawal bilang patunay sa bangko sakaling masalitan ng pekeng pera ang nakuha sa ATM station.
Paalala ng BSP – damahin, pakatitigan at rebisahin ang mga safety features ng mga banknotes para masigurong hindi palsipikado ang salaping papel mula sa mga ATMs.
Sakaling masalitan ng palsipikadong pera ang nakuha sa ATM station, pinayuhan ang publiko para sa agarang pagdulog sa kumpanya ng bangkong may-ari ng ATM station kung saan nanggaling ang pekeng pera para sa karampatang imbestigasyon.
Sa sandaling maberipika, dapat din anilang agad na palitan ng bangko ang kwestyonableng salapi.
Kaugnay nito, nanawagan din ang BSP sa mga bangko na paigtingin ang mekanismo ng automated at online banking system.
“Aside from the installation of cameras at ATM areas, cash handlers and service providers tasked to refill ATMs are trained to detect counterfeit banknotes or verify their genuineness before placing them in ATMs,” dagdag ng BSP. Sa ilalim ng Republic Act 10951, may katapat na multa at parusang 12 taong pagkakakulong ang sinumang napatunayang namemeke ng salaping tanging inililimbag ng BSP.
Mula Enero hanggang Setyembre ng nakaraang taon, umabot sa 500 piraso ng mga pekeng perang katumbas ng P480,000 ang nasamsam ng BSP mula sa 16 na suspek na pinaniniwalaang bahagi ng magkakaibang sindikato.
