TINATAYA sa 4,000 metriko tonelada ng kinumpiskang puslit na asukal ang inaprubahan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) para ibenta sa Kadiwa outlets sa mas mababang presyo.
Sa public briefing ngayong Miyerkoles, sinabi ni SRA acting administrator Pablo Luis Azcona na ang ibebentang asukal ay nasa apat na milyong kilo at ibebenta sa P70 kada kilo.
“‘Yung sa ngayon, ‘yung approved is 4,000 metric tons. That is about 4 million kilos,” ayon kay Azcona.
“Meron pa tayong naiiwan na nahuli na mga I think almost 6,000 [metric tons]. Hopefully, mare-release din ‘yun once it is proven safe and approved na for sale, for donation to Kadiwa,” dagdag pa nito.
Sa kasalukuyan ay nasa P100 hanggang P136 kada kilo naibebenta ang asukal, ayon sa SRA records at sa monitoring ng Department of Agriculture (DA).
Maliban sa Kadiwa stores, pinag-aaralan din ng SRA na ibenta ang mga nakumpiskang smuggled sugar sa mga supermarket..
Sinabi ni Azcona na ang mga smuggled na asukal ay ibebenta rin sa mga supermarket sa halagang P70 tulad sa Kadiwa stores.
“Sa ngayon, we’re actually finalizing kung paano natin ito gagawin kasi this [project] with big supermarket chains signified that they want to volunteer as base. Libre po ito. Magbibigay sila ng shelf space na talagang maging Kadiwa outlet siya. We will not sell sugar but other commodities as well,” ayon pa kay Azcona.
