
IDINEPLOY ng Philippine Coast Guard (PCG) ang BRP Panglao upang sunduin ang 13 mangingisda na nakaligtas sa vessel collision sa Agutaya, Palawan. Inihatid ang mga ito sa Lipata Port, Culasi, Antique at dinala sa pinakamalapit na ospital para mabigyan ng tulong medikal.

Kinilala ang mga ito na sila: Donde Petiero, 38; Roderico Mata, 31; Randy Mata, 36; Renie Espinosa, 38; Mario Quezon, 24; Sammuel Ducay, 40; Rendil Dela Peña, 42; Martin Flores Jr., 58; Jupiter Ybañiez, 38; Andring Pasicaran ,43; Jonel Mata, 30; Joemar Pahid, 32; at Arjay Barsaga, 36.
Samantala, patuloy pa rin ang BRP Suluan sa misyon nitong search and rescue operation upang mahanap ang pito pang nawawalang mangingisdang Pinoy matapos ang banggaan sa pagitan ng MB Happy Hiro at fishing boat JOT-18 sa katubigang sakop ng Agutaya, Palawan noong Mayo 28.
Dagdag pa rito, idineploy na rin ng Philippine Coast Guard Aviation Force ang BN Islander plane upang magsagawa ang aerial search sa nasabing lugar.