

SA kumpas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., may bagong bida sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), isang ahensyang mandato’y gumawa ng pera mula sa mga palaro ng gobyerno sa hangaring matugunan ang mga pangangailangan ng mga pobreng mamamayan base sa doktrina ng “kawang-gawa.”
Ang totoo, karapatan at mandato ng Pangulo ang pagtatalaga ng mga mapagkakatiwalaang tao sa iba’t ibang ahensya.
Ang siste, parang komplikado ang paghirang kay dating Quirino Congressman Junie Cua bilang chairman ng PCSO. Pangamba ng isang kasangga sa naturang ahensya, baka magkaproblema ang kanilang opisina.
Dangan naman kasi, manugang pala ni Cua ang kapitalista sa likod ng Todo-Todo Quatro, isang kumpanyang dati nang naghain ng aplikasyon para makapag-operate ng Small Town Lottery (STL) sa kanyang probinsiya at iba pang lugar sa bansa.
Wala naman sanang problema. Kaso nga lang nabulilyaso ang Todo-Todo Quatro, dahilan para lapatan ng naaayong kastigo.
Sa madaling salita, diniskwalipika ang Todo-Todo Quatro dahil sa nasilip na asunto.
Sa pag-upo ni Cua, posibleng makabwelta ang diniskwalipikang kumpanyang pag-aari mismo ng manugang niya.
Ang masaklap, malapit na sa katotohanan ang ating sapantaha.
Bulong ng ating kasangga, ginagapang na ang papel ng Todo-Todo Quatro para makapasok ulit sa sirkulasyon ng STL – siyempre pa, sa tulong ng biyenang dating kongresista. Kung tutuusin, hindi na naman bago ang katiwalian sa PCSO. Katunayan, nauwi pa nga sa pagsibak sa mga opisyal ang malawakang korapsyong isinumbong mismo sa Pangulo ng kontrobersyal na whistleblower – si Sandra Cam. Sa tindi ng katiwalian, sinuspinde pa nga ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang mga palarong tanging ang gaming firms at mga tiwali lang sa naturang ahensya ang nagtatamasa sa bonggang ganansya.
Ano nga ba ang mayroon sa PCSO at halos “mamuhunan” ng malaki ang mga nais maupo sa naturang ahensya ng gobyerno?
Batay sa datos na nakalap mula sa internet, lumalabas na noong 2019 ay mayroong 7,768 lotto outlets, 13,320 STL kiosks, 2,194 Peryahan ng Bayan outlets at 472 Keno shops.
Sa nasabing bilang, nasa 6,313 lotto stores ang sumabit, habang 20,241 STL kiosks sinuspinde, bukod pa sa 2,762 Peryahan ng Bayan outlets at 778 Keno na nilapatan ng angkop na kastigo dahil sa nabistong pakikipagsabwatan sa mga tiwaling opisyal ng PCSO kaugnay ng ipinapasok na ganansya sa gobyerno.
Ang dahilan – hindi sa gobyerno pumapasok ang kita ng mga naturang palaro kundi sa mga mahiyaing opisyal ng PCSO.
Ang resulta – apektado ang kawang-gawa.
Ang tanong – alam kaya ng Pangulo na may conflict of interest sa pagtatalaga kay Cua sa PCSO?