
BULACAN — Sa kabila ng paulit-ulit na pangako ng mas matibay na flood control, nananatiling lubog sa baha ang maraming bayan ng Bulacan tuwing malalakas ang ulan.
Libu-libong pamilya ang lumikas, kabuhayan ang nasisira, at galit ng taumbayan ang muling bumabalik—lalo na’t lumalabas na ang problema ay hindi lang ulan kundi pamamahala.
Mga Kaso at Paratang kay Sy-Alvarado
Hindi nalalayo sa usapin ng baha ang pangalan ni dating gobernador at kongresista Wilhelmino “Willy” Sy-Alvarado.
Tadtad ng kaso at paratang, ilang ulit na siyang sinampahan ng reklamo ng katiwalian: 2014: Plunder case dahil umano sa pamumulsa ng pondo.
2015: Kasong graft sa Ombudsman kaugnay ng iregular na pagbili ng P1.7 bilyong gamot at materyales na overpriced pa umano.
2017: Nasangkot sa PDAF scam matapos mapunta ang P3 milyon mula sa kanyang pork barrel sa isang pribadong bangko.
Bukod dito, isinama rin ang kanyang pangalan sa narco-list ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Kahit itinanggi niya ang lahat ng paratang, bigat pa rin ang pasanin ng isyung ito sa reputasyon ng pamilya Alvarado.
Flood Control o Fund Control?
Isa sa pinakamainit na batikos ay ang paulit-ulit na flood control projects na mistulang hindi matapos-tapos. May mga ulat ng duplicated projects at delayed na implementasyon. Sa halip na solusyon, pinalalakas pa raw nito ang political machinery ng mga nakaupo.
Sa mga bayan ng Hagonoy, Calumpit, at Paombong, nananatiling sirang dike at umaapaw na ilog ang larawan, kahit bilyon-bilyon na ang nailabas na pondo.
Political Dynasty at Kapangyarihan
Hindi maikakaila ang bagsik ng Alvarado dynasty sa Bulacan. Sunod-sunod ang kanilang puwesto—mula sa kongreso, gobernador, vice governor, hanggang sa alkalde. Maging ang asawa niyang si Marivic, at mga anak na sina Jonathan at Charo Sy-Alvarado ay nakaupo rin sa puwesto, hawak pa rin ang kapangyarihan hanggang ngayon.
Kasabay ng kanilang matagal na pamumuno ay ang paglala ng pagbaha at ang patuloy na tanong kung saan napunta ang pondo ng mamamayan.
Ngayong taon-taon ay lumulubog pa rin ang Bulacan, muling sumisigaw ang taumbayan:
Nasaan ang bilyon-bilyong pondo para sa flood control?
Bakit tila inutil ang mga proyekto?
Hanggang kailan paiikutin ng maling pamamahala at katiwalian ang probinsya?
Para sa marami, ang sagot ay nakabaon sa nakaraan—sa mga alegasyon ng korapsyon at kapabayaan na iniwan ng Alvarado legacy.