
Ni Cyrill Quillo
INATASAN na ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang Anti-Kidnapping Group (AKG) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa anim na kataong dinukot sa Laurel, Batangas noong nakaraang Biyernes.
Sinabi nito na makakabalik sa kani-kanilang pamilya ang mga nawawalang biktima at papanagutin ang mga may sala kung makikipag-ugnayan lamang ang mga pamilya nito sa pulisya upang malutas ang kaso.
Matatandaan na dinukot ang anim na kalalakihang sina Mark Nelvin Caraan, Shane Despe, Carlo Fazon, Eugene Noora, Mar Christian Ore at Paulino Sebastian, ng Dasmariñas City, Cavite.
Pauwi na ang mga ito mula sa isang beach resort sa Batangas nang harangin ng hindi nakikilalalng kalalakihan sa kahabaan ng Tagaytay-Nasugbu Road.
Nakatakas ang dalawang babaeng kasama nito kaya’t nakapagsumbong sa mga pulis.
Umaapela si Elezar na “Sa ating mga kababayan na may impormasyon sa insidenteng ito, inaanyayahan ko kayo na makipag-tulungan sa inyong kapulisan para sa mabilis na paglutas ng kasong ito.”
Inaalam naman ng pulisya ang totoong motibo ng pagdukot sa mga biktima.