BINIGYAN ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato at partido – wagi man o talunan – ng hanggang Hunyo 8 para makapagsumite ng dokumentong ulat kaugnay ng mga pumasok na kontribusyon at gastusin sa kampanyang kalakip ng 2022 national and local elections.
Sa isang kalatas partikular na tinukoy ng komisyon ang Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) na nagsisilbing patunay na hindi lumabis sa itinakdang limitasyon ang ginastos ng mga kandidato at mga partido sa kani-kanilang pangangampanya.
Layon din anila ng SOCE na siguruhing hindi nagamit ang nakaraang halalan para lamang lumikom ng salapi sa mga tagasuporta.
Paglilinaw ni Director John Rex Laudiangco na tumatayong tagapagsalita ng Comelec, maging ang mga kandidatong umatras, pasok sa naturang reglamento.
Paalala naman ng nasabing opisyal sa mga nanalong kandidato, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-upo nila sa pwesto hangga’t hindi natatanggap ng komisyon ang kanilang SOCE, kasabay ng bantang perpetual disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno para sa mga politikong mapapatunayang bigong sumunod sa naturang reglamento sa pangalawang pagkakataon.
