KARAGDAGANG 106 na ruta ang inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa programang libreng sakay ng pamahalaan sa National Capital Region at karatig lalawigan ng Rizal.
Sa kalatas ng LTFRB, dinagdagan na nila ang ruta ng libreng sakay sa mga lungsod ng Caloocan, Mandaluyong, Makati, Manila, Malabon, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Pasig, Quezon City, Taguig, Pasay, Pasig at bayan ng Cainta sa hangganan ng Metro Manila at Rizal.
Pasok din ang rutang libreng sakay mula North Luzon Express Terminal at Parañaque Integrated Terminal Exchange patungo at mula sa mga naturang lokalidad sa NCR at Rizal.
Pagtitiyak ng ahensya, isinusulong na rin ang pagpapalawig ng programa sa mas maraming lugar sa mga susunod na araw, bunsod anila ng ginhawang dulot ng libreng sakay sa hanay ng mga manggagawang nagtitiis sa kakarampot na sweldo.
Sa tala ng LTFRB, pumalo na sa mahigit 49 milyong pasahero ang nakinabang sa naturang programa ng pamahalaan.
