SA hangaring maibsan ang dagok na dulot sa ekonomiya ng patuloy na banta ng pandemya at hidwaan sa pagitan ng Ukraine at Russia, naglaan ng P50 bilyon ang Land Bank of the Philippines para ipautang sa mga negosyong labis na apektado.
Sa paglulunsad ng programang NATION SERVES (National Assistance Towards Initiating Opportunities to Entities), umaasa ang LBP makapagbigay sila ng karagdagang working capital para sa mga negosyanteng patuloy na umaaray dahil sa pagkalugi.
Anila, hangad nilang tulungan ang mga negosyante para palakasin ang kanilang operasyon, palawakin ang trading facilities, at stockpile supplies at inventories bilang sagot sa epekto ng kabi-kabilang krisis. “LandBank aims to bolster the resiliency of key development industries by cushioning the negative impact of economic disruptions,” ani LBP president at chief executive Cecilia Borromeo.
“Through the NATION SERVES lending program, we will also contribute to preventing price surges on basic commodities as we continue serving the nation.” Sa ilalim ng LBP loan program, pwedeng humiram ang mga negosyante ng hanggang 85% ng halagang kailangan para maibangon ang nalugmok na negosyo.
