
TANGING ang Philippine National Police (PNP) at mga local government units (LGU) ang inatasan para ipatupad ang agarang pagpapatigil sa operasyon ng e-sabong, ayon sa isang kalatas ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, kabilang sa mga isasara ang mga betting stations at mga lugar na pinagdarausan ng e-sabong sa iba’t ibang lokalidad sa bansa.
Pagtitiyak ng Kalihim, kailangang ang agarang pagpapatupad ng direktibang inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang pagpupulong sa Palasyo kamakailan, kahit wala pang inilalabas na implementing rules and regulation (IRR) ang Malakanyang. Paglilinaw ng opisyal, limitado ang gagampanang papel ng Philippine Gaming Corporation (Pagcor) na ang tanging mandato’y kanselahin ang mga inisyung permiso at prangkisa sa mga private gaming companies sa hudyat ng memorandum na ilalabas ng tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
“Ito naman ay tulong-tulong yung mga bawat ahensya natin. Ang Pagcor ang siyang nagbibigay ng licenses, permit or franchise. Automatically paglabas ng memorandum galing kay ES (Executive Secretary) ay canceled na lahat ng e-sabong na yan,” ayon kay Año.
Pagkatapos isara ang mga betting stations at cockpit arenas na pinagdarausan ng e-sabong, patuloy naman aniya ang kanilang gagawing pag-iikot upang tiyakin ang pagtalima ng mga local PNP at mga alkalde mula sa 1,498 munisipalidad at 143 lungsod sa buong Pilipinas.
“Ang ating kautusan ay binaba na natin sa mga LGUs. So alam ng ating kapulisan, LGUs kung saan yung mga betting stations na yan at yung mga cockpit arena. Meron na tayong listahan,” aniya pa rin. Babala pa niya, darakpin ang sinumang lalabag naman sa kautusan ng Pangulo.