LALONG tumibay ang kasiguraduhan ni Presidential daughter at Vice President aspirant Davao City Mayor Inday Sara Duterte sa darating na eleksyon sa Mayo nang magpahayag ng suporta ang malaking grupong General Parent-Teacher Association – Kabite Federation (GPTA-Kabite Fed) ngayong araw.
Sa isang pagsasalo-salo ng mga opisyales ng GPTA-Kabite Fed, nagpakita ang mga ito ng mainit na suporta kay Sara Duterte na ayon sa mga ito ay tiwala sa kakayahan na matulungan ang bansa, partikular na ang mamamayan sa edukasyon at kalinga.
Ang GPTA-Kabite ay binubuo ng mga PTA officers mula sa 18 munisipalidad tulad ng Naic, Alfonso, Ternate at Amadeo kung saan nakiisa rin ang General Trias City.
Sa isang text message, nagpasalamat naman ang anak ng Presidente sa suporta.
Ayon kay Mayor Duterte, bukod sa kanyang taos-puso na pagpapasalamat, umasa rin ang mga supporter na hinding-hindi sila bibiguin sa ibinigay na suporta.
Dahil dito, lalong tumibay ang katayuan ni Duterte na tuloy-tuloy na nangunguna sa mga surveys na lumabas mula nang mag-umpisa ang kampanya.
