TUMATAGINTING na P12 kada litro ang inaasahang dagdag-presyo sa krudo sa isang linggo, ayon sa pagtataya ng mga kumpanya ng langis na nagbebenta ng mga produktong petrolyo sa lokal na merkado. Nito lamang nakaraang Martes, P5.85 kada litro ang nadagdag sa presyo ng krudong gamit ng mga pampublikong sasakyan tulad ng mga pampasaherong jeep at bus.
Pag-amin ng DOE, walang kontrol ang gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, kasabay ng giit na depende sa dikta at paggalaw ng pandaigdigang merkado ang magiging antas ng bentahan ng mga kumpanya ng langis.
Sa pinakahuling umento sa presyo ng produktong petrolyo, P5.85 ang dagdag-presyo kada litro ng krudo, P3.60 sa gasolina at P4.10 sa diesel.
Una nang ipinangako ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbusisi sa mga petisyon sa taas pasahe sa mga pampasaherong jeep bunsod na rin ng walang puknat na pagtaas ng halaga ng petroleum products mula Enero – at pinalala pa ng kaguluhan sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ayon kay LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, napapanahong maisalang na sa pag-aaral ng ahensiya ang mga natanggap na fare hike petitions dahil sa epektong dulot nang walang humpay na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo sa hanapbuhay ng mga jeepney driver at operator.
Bagamat inumpisahan na ng LTFRB ang pagdinig sa P5.00 dagdag sa minimum fare sa mga pampublikong sasakyan, nilinaw ng nasabing tanggapan na kailangan pa rin pag-aralang maigi ang magiging epekto nito sa mga pangunahing pangangailangan sa mga pamilihan.
Sa huling tala ng DOE, 10 pagtataas na sa mga presyo ng produktong petrolyo ang ipinatupad mula Enero.
